Maraming taon na ang lumipas, nguni’t ang lihim ng kaalaman patungkol sa “Black hole” ay hindi pa lahat nabubunyag sa mga siyentipiko at lalo na sa mga ordinaryong tao. Ito ay isang lugar sa kalawakan na mayroong napakalakas na paghila ng gravity o “gravitational pull” na kahit ang liwanag ay hindi makatatakas mula rito. Ang pangalang “Black hole” ay nagmula sa kakayahan nito na magkulong ng liwanag at maging maaninag (transparent). Unang ginamit ang terminong ito ni John Wheeler, isang physicist, sa kaniyang panayam sa publiko noong 1967 na “Our Universe: the Known and Unknown.” Sa kalaunan ay ginamit na ang katawagang ito.
Hinihigop nito ang lahat ng bagay na napapalapit sa distansiyang tinatawag na “event horizon” (Schwarzschild radius). Sinasabing ang “frame-dragging” ay bahagi ng black hole na kung saan ang kalawakan at panahon ay naaapektuhan. Ang anomang bagay na malapit dito ay nahihila sa pag-ikot nito na magdadala sa isang bagay papasok sa lagusan nito. Karaniwan ang ikot nito ay pabaligtad o counter-clockwise. Mahirap malaman ang lokasyon nito sa kalawakan sapagka’t hindi ito nakikita. Maliban na may maoobserbahang malapit na bituin o bagay dito na may liwanag at madaanan o mahahagip nito ay hindi mapapansin ang black hole.
Ang unang naobserbahan na blackhole ay ang “Cygnus X-1” (Cyg X-1) noong 1964. Mayroon itong mahigit-kumulang na 8.4 ulit na mass sa ating Araw. May layo itong 6,000 light-years at nagkakaedad ng mahigit-kumulang na 5 Milyong taon ayon sa mga mananaliksik. Sinasabi rin na nagmula ang Cyg X-1 sa bituing “progenitor” o matandang bituin na may 40 solar masses (katumbas na mass sa astronomy.)
Noong 1783, unang ipinahayag ni John Michell (geologist at astronomer) ang ideya ng black hole sa isang liham kay Henry Cavendish (siyentipikong nakatuklas ng elementong Hydrogen). Inilathala ang liham na ito noong 1784 nguni’t hindi ito masyadong binigyan ng pansin. Nang maging tanyag ang ideya ni Albert Einstein noong 1915 patungkol sa “general theory of relativity”, mula 1970 ay kinilala na ito nang muling natagpuan ang mga papel na nagsasaad patungkol rito. Laman nito ang kaalaman na may kakayahan ang gravity na maapektuhan ang liwanag.
Si Pierre-Simon Laplace ay isang French mathematician na nagpakilala ng “probability theory” taong 1796. Tinawag ang mga “high-gravity objects” na ito bilang “dark stars” sa kaniyang aklat na “Exposition du Systeme du Monde”.
Mayroong apat na klase ng black hole. Ito ay ang “Schwarzschild”, ang “Reissner-Nordstrom”, ang “Kerr” at ang “Kerr-Newman”. Ang Schwarzschild (static black hole) ay walang electrical charge at walang angular momentum. Nadiskubre ito ni Karl Schwarzschild, isang German Astronomer. Ang “Reissner-Nordstrom” ay may electrical charge pero walang angular momentum. Hindi rin ito umiikot gaya ng Schwarzschild black hole. Ang “Kerr” (rotating black hole) ay may angular momentum pero walang electrical charge. Ito ay ipinakilala ni Roy Patrick Kerr, isang New Zealand mathematician. Samantalang ang “Kerr-Newman” ay may electrical charge, angular momentum at umiikot ayon kay Ezra T. Newman, na isang American physicist. Ang “angular momentum” ay isang bagay na malapit sa lokasyon ng black hole na mapapakinabangan upang malaman ang paraan ng pag-ikot nito.
Isang black hole ang natagpuan ng Hubble Space Telescope sa layong 14 million light-years at may laking 300,000 beses na massive sa ating Araw. Sa pangunguna ng astronomo na si Ari Laor at Technion-Israel Institute of Technology sa Haifa, Israel, ito ay natagpuan sa galaxy NGC 4395. Ito ay inilatag sa harapan ng taunang pagkakatipon ng American Association of the Advancement of Science (AAAS.)
Ayon kay Michelle Thaller, isang astronomer, namamatay ang isang bituin pag nagsimula na itong bumuo ng iron o bakal sa loob. Kapag gumagawa na ng bakal ang isang bituin, imbes na ang enerhiyang ibinibigay nito ay papalabas, ito ay nagiging papasok. Ito ang isang dahilan upang ang isang bituin ay sumabog at maging supernova o isang bituing naglalabas ng napakalakas na liwanag. Ang kinauuwian nito sa huli ay ang pagkasilang ng isang bagong black hole. Binanggit din niya na karaniwan sa may potensiyal na maging black hole ay ang mga bituing kulay asul at maliliwanag na gaya ng nasa konstelasyon ng Orion.
Sa artikulong ginawa ni Ker Than, sinabi niya na kapag ang mga “dark star” ay nagkalapit ay magsasama ito sa isa. Kung magiging kasing laki ito ng 1,000 beses sa mass ng Araw, ito ay posibleng bumuo ng malaki at lubhang mapanirang black hole. Binanggit ni Robert Roy Britt na normal sa mga dark star na kainin ng isa ang kaniyang kapuwa na makatagpo sa kahit anong lugar ng kalawakan. Sinasabi na hindi lahat ng black hole ay nananatili sa isang lugar kundi karamihan dito ay umiikot. Sa ideya ni Einstein na “relativity” ay posibilidad na maglabas ito ng gravitational waves upang lumipat ng lokasyon.
Kung ang magiging batayan ay pagiging makapinsala, mas delikado ang mga maliliit na black hole kaysa sa mga malalaki ang mass. Ang mga maliliit na dark star ay may maiksing panahon upang magbago ng bilis ng pag-ikot kung kaya magiging katulad ito sa ginigiling, ang pahayag ni David Kornreich na mananaliksik ng Humboldt State University, California.
Napag-alaman ng mga siyentipiko na sa maoobserbahang mga galaxy sa uniberso, karamihan dito ay may matatagpuang “supermassive blackhole” sa gitna. Sinabi ni Ginoong Ed Turner, isang astrophysicist, sa sentro ng Milky Way Galaxy ay mayroong isang bagay na maliwanag na mas maliit sa “Quasar” o “Quasi-stellar object” (starlike na naglalabas ng napakalakas na radio emission) na mahirap makita o obserbahan dahil sa kapal ng mga gas na bumabalot dito.
Sa mga nagdaang mga taon ng pagsasaliksik ng mga astronomo, nalaman na ang Milky Way Galaxy ay puno ng mga dark star. Sinasabi na maaari rin itong maging dahilan ng pagkasira ng planetang earth.
References:
http://www.space.com/common/media/video/player.php?videoRef=black_holes
http://www.answers.com/topic/black-hole
http://www.space.com/common/media/video/player.php?videoRef=black_holes#playerTop
http://www.answers.com/topic/emission
http://www.answers.com/topic/hawking-radiation
http://www.answers.com/topic/angular-momentum
http://www.answers.com/topic/henry-cavendish
http://www.answers.com/topic/pierre-simon-laplace
http://www.answers.com/topic/john-michell
http://www.answers.com/topic/frame-dragging
http://www.answers.com/topic/cygnus-x-1
http://www.answers.com/topic/color-charge
http://www.answers.com/topic/charge-physics
http://www.answers.com/topic/karl-schwarzschild
http://www.answers.com/topic/reissner-nordstr-m-metric
http://www.answers.com/topic/rotating-black-hole
http://www.answers.com/topic/roy-kerr
http://www.answers.com/topic/kerr-newman-metric
http://www.answers.com/topic/supernova
http://en.wiktionary.org/wiki/progenitor
http://www.answers.com/topic/solar-mass
http://www.space.com/common/media/video/player.php?videoRef=BlackHoleBirthBurst
http://www.space.com/scienceastronomy/070103_gcluster_bh.html
http://www.space.com/scienceastronomy/060406_blackhole_merge.html
http://www.space.com/scienceastronomy/050711_blackhole_looks.html
http://www.space.com/scienceastronomy/aas_galactic_center_050111.html